'Yan ang paboritong gawin ng mga kusinero or chef. Kung di sila magluluto ay gutom aabutin natin. Masarap ang luto kapag pinaghirapan ng kusinero. Pero kapag ang luto ay ginamit sa kumpetisyon para manalo ay di na kaaya-aya ito.
Talamak. Oo, talamak sa mga dance competitions ang lutuan. Mismong mga nagluluto ay nakakausap ko. At mismong mga dancers ang nagrereklamo o nakakaalam na may lutuan na nangyayari. Ano nga ba ang lutuan sa DC? Makikipag-usap ang dance group o manager nila sa isang booker or sa organizer ng dance competition para ipanalo sila sa DC na yun. Kapalit nito ay bibigyan ng porsyento si booker or organizer mula sa premyong mapapanalunan. Sa mga DANCE CREWS, masarap ang tagumpay kung tunay na pinaghihirapan. Masarap ang tagumpay kung tunay na nagustuhan ng mga judges at taong-bayan. Mahirap i-claim ang tagumpay na nararapat sa iba. Mahirap ipagmalaki ang isang tagumpay na walang integridad at kinuha lamang sa iba. Hindi mabibili ng salapi at karangalan ang katapatan. Minsan naririnig ko sa mga dance crews na may lutuan sa isang lugar kaya di sila lalapag. Madalas naiinis sila kapag niluluto ng kalaban ang kumpetisyon. Matanong ko lang, gawain nyo din ba yun? Hindi ba kayo natutuwa kapag may nagsabi sa inyi na lutuan ito at kayo mananalo? Ayaw nyo ng lutuan pero kayo mismo ay pabor sa mga ito. Siguro panahon na para mag-stand firm para dito. Kung ano ang prinsipyo nyo ay panindigan ninyo. Madami kayo ginagastos at sakripisyo? Sino ba magre-reward sa inyo? Kanino ba kayo nananalangin araw-araw para biyayaan kayo? Di ba sa gumawa ng langit at lupa. Kung kaya Niya gumawa ng langit at lupa ano pa kaya para bigyan kayo ng libong piso para sa grupo niyo? Maliit na bagay para sa Kanya ito. Ngunit kung patuloy tayo magtitiwala sa Kanya at patuloy tayo magsusumikap at patuloy tayo na lalaban ay walang imposible sa Kanya. In His time and ayon sa kagustuhan Niya ay ibibigay Niya ang laman ng puso niyo. Patuloy lang maging tapat. Itigil natin ang gawaing ito at labanan ang mga ganitong gawain. Sa mga BOOKERS, may nagsabi sa akin na hindi daw dapat gawing hanapbuhay ang sayaw. Siguro bagay sa inyo ito. Kung ikaw ay isang booker na nakakabasa nito marahil may pangangailangan ka. Ngunit hindi sapat na lapastanganin mo ang madaming kabataan para lamang sa pangangailangan mo. Naghihirap ng husto ang mga bata para sa karangalan at maliit na papremyo ng grupo. Ngunit binebenta mo ito sa maliit na halaga. Ginagawa mong cheap ang karangalan. Ang karangalan ay something na dapat ipagmalaki ng mga kabataan ngunit binababa mo ang kahalagahan nito. Malaki pangangailangan ng mga dance groups pagdating sa pera pero hindi ito sapat na dahilan para gumawa ka ng paraan para ikaw din ay kumita at pagsamantalahan ang mga pangangailangan na ito. Honor deserves respect. And you cannot buy respect. It is earned. Bigyan mo ng maayos na karangalan ang mga kabataan. Hindi nila kaya ipagmalaki ang binebenta mo. If kailangan mo ng pagkakakitaan ay sa maayos na paraan. Huwag mo gamitin ang mga dance contests para yumaman. At hindi ka yayaman sa ganyang gawain. Tandaan mo yan. Humingi ka sa Itaas at bibigyan ka Niya. Sa mga DANCE CONTEST ORGANIZERS, ang kumpetisyon ay para magbigay kasiyahan sa mga nasasakupan ninyo o sa taong-bayan. Nagbibigay din oportunidad ito sa mga dance crews na ipamalas ang kanilang kagalingan at maibahagi sa lahat. Bilang organizer, lumapag ang napakaraming dance crews sa inyo dahil tiwala sila na bibigyan nyo sila ng patas na laban. Walang dance crews na nagnanais na matalo. Pumunta sila dahil alam nila na may pag-asa silang manalo. Ngunit masakit sa kanila kapag nalaman nila na kakuntsaba kayo upang manalo ang kalaban nilang grupo. Nakakawala ng respeto na nag-aksaya sila ng pera, pagod at hirap upang lumapag sa inyo tapos ay hindi nyo sila bibigyan ng magandang laban pabor sa tatlong grupo na paborito o lumapit sa inyo. Kung magluluto kayo ng contest ay itigil ninyo na lang yan. Dahil napasaya nyo nga ang inyong kababayan pero madaming dance crews naman ang hindi masaya at uuwing luhaan dahil sa gawain ninyo. Di ba nga sabi ni Ryzza Mae dapat lahat tayo happy? Happy ang audience, happy ang mga dance crews at happy kayong mga organizers. Bawal kasi ang sad. Pasiyahin nyo lahat sa pamamagitan ng pagbibigay na patas na laban. Sa mga JUDGES, huwag natin sirain ang pangalan natin ng dahil sa may kaibigan at tropa tayo na grupo. Maging patas sa lahat ng pagkakataon. Mas kanais-nais na kilala tayo dahil mayroon tayong magandang pangalan. Kapag may nakikita tayong ganitong sitwasyon ano ba dapat gawin natin? Kapag nakita natin yung booker sa mga DC ano ba dapat gawin natin? Alalahanin lang natin ito. Mas kaakit-akit ang magandang pangalan kaysa sa ting mga kayamanan. Labanan natin ang ganitong gawain upang itaas ang moral ng bawat isa sa dance community. Itaas natin ang level ng competition sa pamamagitan ng pag-gawa ng magagandang piyesa. Itaas natin ang pangalan ng grupo at organisasyon natin upang lalong maraming tao ang mapasaya. Saan nga ba may lutuan? Sa puso natin kung ito ay ating papayagan. "A good name is to be chosen rather than great riches, and favor is better than silver or gold." - Proverbs 22:1
0 Comments
|
Prof.
|