Excited ang lahat na makipaglaban sa iba’t ibang klase ng kompetisyon. Gusto nilang lumaban upang magbigay karangalan sa bansa at pamilya. Oo, walang masama na lumaban para sa sarili at sa bansa. Ngunit may isang laban na dapat ay intindihin ng bawat mananayaw. Ito ang laban para sa lahat ng mananayaw at sa bawat Pilipino na tumatangkilik sa mga kanila. Ito ang pangarap na laban. Ang laban para sa isang lehitimo, legal, at mapagkakatiwalaang organisasyon ng lahat ng dancers at dance crew leaders sa ating bansa (particularly hip hop dance). Sila yung organisasyon na niluklok ng mga Pinoy Mananayaw sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sila ay kinatawan ng maraming mananayaw mula sa barangayan, collegiate at propesyonal na level. Imagine na may magtatanggol at may mag-set ng standards sa LAHAT NG KLASE ng Pinoy Mananayaw (Hip Hop). Magiging isa na lang ang direksyon nito. Magiging isa na lang ang susundin na polisiya. Imagine, may isang mamumuno na gaya ng isang bansa. May magtutulak sa kongreso at senado upang ipagtanggol ang karapatan ng mga mananayaw. May aktibong magsusulong sa pangangailangan nila lalo na kung lalaban sa ibang bansa. Mayroon na mag-aasikaso sa lahat FULL TIME. May lalapitan ka na. May makikinig na sayo. May magtutuwid sa tama. May papagitna na. May magtatanggol sa tama. May magbibigay ng lakas ng loob sayo. May magtuturo sayo. Sana mayroong organisasyon ang mga choreographers upang magbigay ng nararapat na turo o lecture na TAMA sa mga baguhan at datihang dancers na nabubuhay sa maling aral. Sana may magtutuwid na ng mga terminolohiya na ginagamit. Sana may magtuturo nan g TAMANG FOUNDATIONS sa lahat. Sana may magtuturo ng tamang HISTORY ng sayaw. Sana may aagapay upang isama tayo sa tamang tao upang mag-training o workshops. Sana mayroong organisasyon sila na mag-set ng kanilang nararapat na talent fee kapag kukunin ang kanilang serbisyo upang magturo, magsayaw, mag-judge o kaya ay advise. Sana mayroong organisasyon na maaaring magbigay ng mga ipinagbabawal na routine, stunts, musika at costume upang magabayan ang lahat sa nararapat na presentasyn habang nasa entablado. Sila ang magbibigay ng mga polisiya sa paghawak ng pera at agresolba sa mga kaso sa dance community. Marami pang magagawa ang organisasyon na ito kung ito ay mabubuo. Kailan ba kaya mangyayari ito? Kapag NAGKAISA na at nagkaroon ng iisang hangarin ang lahat ng leaders at mananayaw sa Pilipinas. Kapag kinalimutan nila muna pansamantala ang pansariling interes. Kapag marunong na silang magsakripisyo para sa lahat kapalit ng personal na pangangailangan. Kapag isinantabi muna nila ang mga samaan ng loob at inggit sa katawan. Kapag isintabi muna nila ang galit at poot. Kapag marunong na silang MAGPATAWAD at MAGBUKAS NG PALAD sa kapwa nila mananayaw o lider. Huwag na din natin bigyang-malisya ang artikulo na ito dahil ito ay para sa mga committed na lider lamang. Narito lamang ang Dance PH upang sumuporta rito. Sa inyo na po ibinibigay ang liderato ng organisasyon na ito. Matutupad ang pangarap kong laban kapag IISA na ang PUSO at ISIPIN ng mga tao sa dance community. Marami akong nakikitang mabubuting lider mula sa propesyonal at amateur level na maaaring mamuno. Maraming magagaling at pinagkakatiwalaan. Kaya lang kakaunti ang gustong humakbang para gawin ito. Ang LABAN na ito ay laban upang MAGKAISA ang lahat. Nawa’y ang mga lider na makababasa nito ay humakbang na upang umpisahan na ang laban. Oo ikaw yun. Kailangan ka ng mga mananayaw. Kailangan ka nila upang itatag ang totoo at lehitimong organisasyon ng mga mananayaw. Kailangan na kumilos ka upang sabay-sabay tayong abutin ang pangarap ng lahat. Baka ikaw na ang aking tinutukoy? Panulat ni Prof. Louis Ryan Angeles DISCLAIMER: Ito ay isa lamang opinion, pagmumuni-muni, obserbasyon sa ating dance community ng author. Kung mayroon mang kasalukuyang organisasyon (legal at kinikilala ng lahat) na kahalintulad ng aking nabanggit nawa kami ay maituwid. Kung mayroon na kayong mga hakbanging ginagawa nawa ito ay maipaalam o maibahagi. Hangad namin ang tagumpay ng lahat.
Ang mga larawan ay mula sa UP Manila Indayog Sayaw Manila 12: Isyu Dance Concert
1 Comment
|
Prof.
|