Napagdaanan na natin nuong bata pa tayo na gusto natin maging superhero. Marami tayong ginagayang superhero dahil feeling natin ay meron din tayong superpowers na gaya nila. Pwede tayo maging Ironman, Batman, X-Men, Spiderman, Wonderwoman or Superman. Gaya ni Superman ay gusto natin maging kasinlakas niya at lumipad na gaya niya. May isang batang dancer ng isang jazz dance group ang sumubok na lumipad kagabi sa isang dance contest sa Tondo na gaya ni Superman. Bahagi ng routine ng mga jazz dance group na ihagis, iwasiwas, saluhin at paikut-ikutin ang mga maliliit na bata. Ang mga bata ay karaniwang menor de edad na may kapayatan at malalambot ang katawan. Sila yung mga batang iwinawasiwas ng mga 4 na kagrupo na hawak ang kanyang dalawang kamay at paa. Iwawasiwas ng malakas na pababa at pataas hanggang sa makakuha ng tyempo na mapaikot ng 360 degrees ang bata. Uulitin ito ng makalawa o makatatlong beses. Mayroon din naman na ihahagis mula sa kabilang side ng stage at iikot hanggang sa masapo ng mga kagrupo sa kabilang side ng stage. Meron namang sasabit sa kawayan at duon ay maglalambitin. Isa sa mga major highlights ng mga grupong ito ay pagtuntong ng bata sa isang mataas na bahay o gusali at sila ay tatalon mula sa ikalawang palapag nito. Una akong nakakita ng ganito sa Balic-Balic. Sobrang natakot ako at ayaw ko makita ang gagawin dahil sa delikado ang pagtalon ng bata kahit na siya ay sasapuhin ng mga kagrupo. Ngunit ibang klase ang nakita ng mga taong-bayan kagabi sa Tondo. Matapos ang mahabang presentasyon ay pumwesto na ang mga kagrupo ng bata. Siya ay nakapang-costume ng Superman. Nakita na lang namin na umaakyat ang bata mula sa stage patungo sa bahay na may tatlong palapag. Para siyang Spiderman kung umakyat ng bahay. Matapos nito ay pumwesto na sya upang tumalon sa manipis na tela na hawak-hawak ng kanyang mga kagrupo. Habang nag-aayos siya ng pwesto ay muntik-muntikan na siyang makabitiw at nagtilian ang mga tao. Parang walang makakapigil sa munti nating Superman sa kanyang paglipad mula sa ikatlong palapag. Sa pwesto niya ay maari siyang sumabit sa mga kawad ng kuryente o di kaya sa mismong backdrop ng stage o di kaya ay sa mismong semento ng backstage. Matindi ang takot at kaba ang nararamdaman ng tao dahil sa gagawin ng bata. Di na halos makapagsalita at makakibo ang lahat habang inaabangan ang stunt ng 14-anyos na bata. Hanggang sa siya ay lumipad at tumalon sa manipis na tela. Nagsigawan ang taong-bayan. Malakas ang impact ng pagkakabagsak ng bata. Sa sobrang lakas ay di kinaya ng tela ang impact at tumama din sya sa sahig. Lumampas ang ilang bahagi ng katawan niya sa hawak-hawak na tela. Hilong-hilo ang bata. Nagpalakpakan ang manunuod. Ang iba naman ay sinisilip ang nangyari sa bata. Ang mga kagrupo niya ay pilit siyang sinusuri kung ano nangyari dahil halata sa bata na siya ay nasaktan. Di siya makatayo mabuti. Tila siya ay nahihilo. Nagpalakpakan ang ilang kagrupo niya na wari nagsasabi na maayos ang kalagayan ng bata. Tumagal ang ilang minuto ay unti-unti nakakarecover ang bata. Ngunit bakas sa kanyang pagtayo ang hilo at impact ng kanyang paglipad. Nakayuko siya palagi. Hawak ang ulo at minsan ay ang kanyang likuran. Sinilip ko ang bata matapos ang performance. Kinausap ko ang leader at ang bata upang kamustahin ang kalagayan. Masakit ang likod ng bata at nahihilo. Sa aking napanuod ay nanghina ako. Sumikip ang aking dibdib at nangatog ang aking tuhod. Napaupo ako sa sidewalk. Nagdasal at kinalma muna ang sarili sa nakita. Natakot ako at kinabahan ng husto dahil sa buhay na maaaring mawala. Natakot ako at kinabahan dahil muntik na makuhanan ng magandang buhay na mayroon pa ang batang ito sa isang patimpalak na kapalit lamang ay palakpak at maliit na halaga kumpara sa napakagandang buhay na ibibigay sa kanya ng Diyos. Ano ba naman ang tatlong-libong premyo at palakpak ng madlang pipol sa isang batang maaaring maging magaling na doktor, abogado o guro. Sa akin lamang po, sa kahit anong larangan ay unahin natin ang kaligtasan ng bawat isa. Sa dance contest lalo na sa barangayan ay isipin natin ang kaligtasan ng ating mananayaw. Kapag naaksidente o namatay ang ating mga mananayaw ay para na ring pinagkait natin sa kanila ang kanilang pangarap. Ang mga mananayaw natin ay mahalaga sa mata ng Diyos at sa kaniyang mga magulang. Lubos ang pag-aalaga ng mga magulang nito upang mapalaki ng maayos. Ngunit huwag natin itong hahayaan na mabalewala sa kasiyahan ng iilang tao na makakapanuod. Ang buhay ng mananayaw ay di matutumbasan ng salapi at palakpak ng manunuod. Ang buhay ay hiram sa Diyos. Kailangan natin itong alagaan. Isauli natin ito ayon sa Kanyang kagustuhan na buo. Nauunawaan natin na gusto natin mapasaya ang mga tao o manalo ng malaki o higitan kung anuman nagawa natin ngunit di natin maaaring ipagsapalaran o isugal ang buhay sa materyal na bagay o parangal. Maaari natin ipakita ang ating kahusayan sa paraang maaalagaan ang ating sarili bilang mananayaw. Ang sayaw ay ginawa upang papurihan ang Panginoon ngunit hindi na ito magiging kapuri-puri sa Kanya kung may masasaktan o mapapahamak na buhay na galing sa Kanya. Sa mga choreographer, leader o manager ng dance groups. Paalalahanan natin ang ating sarili na ipinagkatiwala lang sa atin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Pangalagaan natin ito gaya ng pangangalaga ng mga magulang nila. Sa mga mananayaw, pahalagahan ang buhay. Pahalagahan ang talento sa paraang gusto ng Diyos para sa atin. Unahin ang kaligtasan ng sarili bago ang anupaman. Sa construction site lagi natin nakikita na naka-helmet ang mga pumapasok dito. At sa gate ng site ay lagi natin makikita ang sign na "SAFETY FIRST". Sana ay lagi natin magawa ito. Hindi tayo superhero. Wala tayong superpowers na gaya nila. Hindi tayo immortal o invincible. Tao lang tayo na may limitasyon. Gayahin lamang natin ang mga superhero na handang tumulong sa abot ng kanilang makakaya. Superhero ka kapag nakagawa ka ng mabuti sa sarili mo at sa kapwa mo.
10 Comments
takizhumi
7/17/2015 01:12:54 am
tama po mas gugustohin ko pa po na tumulong nha lng s kapwa khoe para maging superhero ako
Reply
Stress
7/17/2015 07:18:45 pm
Ahh para po sa nag post neto wag nyo po sanang mamasamain ang sasabihin ko
Reply
Balibago United Boys
11/26/2015 10:50:24 pm
Sus! Ang yabang naman. Hahahaha! may alam po ba kayo talaga sa sinasayaw niyo o panggap panggapan lang? Saan kayo nakakita ng sumasayaw ng jazz na matamlay pa sa asong may sakit? OO LAHAT NG NAPANUOD KO NA PAREHONG CONCEPT NIYO EE PURO GANUN. nagtataka nga ako bakit nanalo sila sa mga dance contest ee. Naglabasan na mga ganyan na concept. Hindi mo masasabing PROFESSIONAL kung gumagamit lang ng MENOR DE EDAD.
Reply
TAMAAAAA!!!!!!!
7/17/2015 07:27:03 pm
Opo sana hindi nyo na lang pinost yan koya
Reply
jb camorongan
7/18/2015 09:27:15 pm
may video po ba to sir ?
Reply
Ryan Angeles
7/19/2015 12:33:02 pm
Para po sa kaalamanng lahat ay di namin ibinababa ang Jazz Dancers bagkus ay hinahangaan namin sila. Malinaw na malinaw ang mensahe namin na MAG-INGAT higit sa lahat. Wala kaming nakikitang masama sa aking nabanggit sa blog na ito. Ang blog na ito ay nagmumulat lang sa komunidad na may nangyayaring ganyan. Higit sa anumang sasabihin ng tao ay nais namin na mapreserba ang buhay ng bawat dancers. Salamat sa inyong pang-unawa.
Reply
maryjoy
7/23/2015 04:35:07 pm
Reply
Leave a Reply. |
Prof.
|