Namulat ako sa mundo ng dance contests na masama ang imahe ng mga booker. Marami ako naririnig sa kanila na hindi maganda dahil na rin sa karanasan ng mga dancers sa kanila. Sa lahat ng mga nagsusumbong at nakakakwentuhan kong dancers ay parating masamang imahe ang binibigay ng mga ito sa mga booker. Minarapat kong alamin kung sino at ano nga ba ang isang booker. Nakakuha ako ng mga impormasyon mula sa mga nirerespeto nating personalidad sa dance community at ilang mga dancers. Alamin natin kung sino nga ba ang mga booker sa mga barangayan dance contests. SINO NGA BA ANG BOOKER? Nuong later part ng 2009 ay nauso ang mga booker. Di pa gaano uso ang Facebook noon. Kaya di pa kalat ang info ng mga dance contests. Wala pang nagpo-post kaya mahirap makahanap ng dance contest. "Ang booker ay nauso mga 6 na taon mula ngayon sila yung humahanap ng laban mula sa ibat ibang barangay na halos kabisado na nila ang petsa ng kapistahan ng mga ibat ibang barangay.", pahayag ni Tito Ricky Sulla, kilalang taga-suporta sa dance community. "During late 2000 ang mga booker namamayagpag kasi wala pa mga post for dance competition.", pahayag ni Mars ng Junior New System. Ang mga booker ang nakakaalam ng mga fiestahan at pacontest sa barangay. Sila ang mga sumusuyod sa mga barangay para magbigay impormasyon na may dance contest na magaganap. At sila ngayon kokontak sa mga hawak nilang dance group upang sumali dito. Sila yung mga humihingi ng porsyento sa mga grupo na mananalo na nabigyan nila ng impormasyon. Halimbawa, si booker ay may nalamang dance contest sa isang fiestahan sa Quezon City. Ipapaalam niya ito sa mga dance crew na contact niya. Madalas mga malalakas na dance crews kinukuha ni booker para siyempre mataas ang tsansa na manalo. Kapag nanalo halimbawa ng P5,000 ang group na hawak niya ay kukuha siya ng porsyento dito kapalit ng pagbibigay niya ng impormasyon at pag-aasikaso. Ang porsyento ay depende sa usapan nila. "Malaki ang papel ng booker sa mundo ng mananayaw ng wala pa ang info sa mga page at FB. Mano mano ang hanapan ng contest sa bawat lugar at taguan ng info dati.", dagdag ni Tito Ricky. Ito naman ang deskripsiyon ng isang booker na nakapanayam ko: "Ang booker ang naghahanap ng mga contest. Nag- aasikaso ng sa mga dala nilang dancer at nagsisilbing proteksyon ng mga dancer. Ang booker may kanya-kanyang lugar yan eh. Dapat masiguraduo mong ligtas yung mga dala mo." "BUKER" NGAYON Dahil nga kalat na ang mga info ngayon sa dance competition mula sa iba't ibang indibidwal at Facebook page ay naging madali na sa mga dancers na makahanap ng dance contests saan mang panig ng Pilipinas. Kaya halos wala na ginagawa ang mga booker ngayon. Hindi lingid sa kaalaman ng dance community na may mga lutuan na nagaganap sa ilang mga dance competitions ngayon. At ilan sa mga itinuturong dahilan ay ang mga "buker". (Note: Ginawa kong Tagalog ang ispeling sa mga booker na may di magandang ginagawa) Nagbago ang imahe ng mga booker dahil sa mga ilang gahamang indibidwal na sumisira sa mga dance contests. Ano na nga ba ang ginagawa ng ilang mga "buker" ngayon? Ang mga "buker" ngayon ay kokontak ng mga dance crews. Kakausapin ng "buker" kung gusto manalo ng grupo dahil may kokontakin o may kontak na sila sa mga judge o organizer. Matatapos ang magdamag at may tatanghalin nang kampeon. Ang mananalong grupo ay yung may nakausap na booker. Si "buker" ay makakatanggap ng porsyento mula sa napanalunang cash prize at gayundin ang kausap nitong organizer o judge. Kaya kung P5,000 ang premyo ng dance group ay mababawasan na ito dahil sa porsyento ng "buker" at ng organizer o ng judge. Naglalaro mula 5% hanggang 20% ang porsyento nila. May mga "buker" pa nga na mismong manager o leader ng group ang nakikipagsabwatan sa organizer o judge. Naalala ko nuon na nadudulas yung mga dancer na nakakausap ko na kaya pala sila nanalo dahil niluto ng manager nila. Ang ilang "buker" ngayon ay naghahanap pa ng dance group na mas mataas ang makukuha nilang porsyento. Mas mataas ang porsyento, mas papaboran ng "buker" na ipanalo sa gabing iyon. "Ang labanan lang naman sa mga pagbu-book ng mga dancers ngayon is pataasan lng ng porsyento na makukuha na naka-depende sa presyo ng prize na makukuha sa isang laban or contest. Yung iba pera pera lang walang personalan kung saan mataas ang porsyento syempre doon sila.", pahayag ng isang group na aking nakapanayam. Tinanong ko kung may nanluluto kong "buker" sa Maynila at ang sagot ng booker na ito ay: "Meron din at hindi lang buker pati organizer ay lumalaban ng 50-50." Itong mga "buker" na ito ang nagpapasama sa imahe ng orihinal na imahe ng isang tunay na booker nuong late 2000s. Sila ang nagpapahirap sa mga dance crews na nagtyatyaga at nangangarap na manalo sa malinis na paraan ngunit sinisira ng iilang gahaman na "buker". Nang aking tanungin si Tito Ricky kung ano masasabi niya sa mga "buker" na nanluluto o nandadaya ay ito ang kanyang pahayag "Buwaya ang tawag ko sa kanila at yung epal na miron ng contest sa loob ng 24 years ko sa mundo ng mananayaw." MATINONG BOOKER May ilang matino pa din daw na booker ngayon. Sila yung mga tapat na nagbibigay ng information sa mga dance crews. Sila ang mga walang sawang sumusuporta sa dance community. "Mga nakilala kong tapat na booker ay si Kuya Jose, Manong Bumbay, Mami Susan at iba pa. Sila mga tapat sila. Tulung-tulong sa pagpapakalat ng info sa contest ng mga nagmamalasakit.", dagdag ni Tito Ricky. Katunayan ay may nakilala akong booker na pumorsyento lang kasi nabigyan niya ng impormasyon ang grupo na kakilala ko. Inimbitahan niya at nang manalo ng P2,000 ay kumuha na siya ng porsyento niya. KAILANGAN PA BA NG BOOKER SA NGAYON? Nang makausap ko ang isang booker. Ang sabi niya di lahat ng booker daw ay masama. Kagaya niya daw na isang booker. Ang pagbibigay daw niya ng info ay bukal sa kanyang kalooban. Ngunit kailangan daw minsan na itago ang ilang kompetisyon para siya naman daw ay kumita dahil gumagastos din siya. Ilan sa tinutukoy niya ay mga DC sa probinsiya. Sa loob-loob ko, kung bukal sa loob ang pagtulong bakit kailangan na may itatago ka para sa sarili mo? Narito naman ang opinyon ni Mars: "Sa kabilang banda nakakatulong sila kasi nalalaman nila mga contest na tago. Pero ngayon kasi di na kailangan ng booker kasi naka-post na lahat ng competition sa net." "Kung tutuusin di na kailangan ng booker sa panahon ngayon. Ang importante ang dancers mo ay maraming kaibigan na kapwa niya dancers kasi halos sila-sila ang nagpapasahan ng info.", komento ni Tito Ricky. MAGPAPA-BUK KA PA BA? Sa pangkalahatan ay maganda ang ginagawa ng mga lehitimong booker nuong panahong wala pang open info sa mga contests. Ngunit sa ngayon ay nabahiran na ito dahil na rin sa iilang makasariling indibidwal. May kwento pa nga ang ilang grupo na hindi ibinibigay ng mga "buker" na ito ang mga napanalunang premyo sa dance group. Matapos nilang ibigay ang pang-quota, mag-perform at manalo ay hindi ibibigay ng "buker" ang premyo ng grupo bagkus ay sinolo nito ang lahat. Nasa mga dance group na kung sila ay magpapalakad sa mga "buker" na nais lamang ay lamangan ang kapwa. Hindi maganda na nagpapakahirap ang mga 30 dance group sa isang gabi at pagkatapos ay gagapangin lang ng ilang indibidwal upang ipanalo ang manok nila. Sabi nga ng isang taga-dance community: "Huwag gawing hanapbuhay ang dance contest." Lalo na kung sa di mabuting paraan nangggaling. "Siguro ang pananaw ko sa ibang booker. Nakakatulong mas mapabilis makahanap yung mga dancers ng contest. Some nanghihingi ng 10% ok lang kasi sa kanila naman galing yung contest. Pero yung ibang booker kasi bu-book ka nila kasabay na ang alok na pwesto. Minsan sila ang nagiging dahilan kung bakit pumapangit ang imahe ng mga street dance contest dito sa atin. May ibang pumapatol. May ibang umaasang mananalo sila sa kanila sariling kakayanan.", pahayag ni Rizza Carganilla ng FMD Xtreme. Sa mga dance groups, kung anong ayaw niyong gawin sa inyo ay huwag niyong gagawin sa kapwa ninyo. Sa mga organizer at judge, respetuhin natin ang pagod at hirap ng nakararaming dance groups na lumalapag sa contest ninyo. Sa mga "buker", mag-isip tayo ng ibang hanap-buhay at hindi panlalamang sa kapwa. Sa mga lehitimo at tapat na booker ay saludo po kami sa inyo. Nawa'y protektahan at alagaan natin ang mga dance groups lalo na ang mga baguhan sa mga iligal na gawain ng ilang indibidwal. Saan ka pupunta? Sa booker o "buker"?
1 Comment
jeff
8/3/2015 09:20:34 pm
tama lahat ng nabasa ko dito..andito sa batangas ang mga gahamang buker.judge.organiser pti mc..kilala ko sila lahat at isa ako sa mga kontra sa ginagawa nilang panlalamang sa kapwa..nagpapakapuyat kmi sa pagsali sa mga dc,.tapos ginagago lang nila ang contest..di kc ako umaasa sa buker e alam ko kc pakana nila..palibhasa wala kmi buker malate lang kmi ng konte pero di tlga late sasabihin lang nla na di n daw kmi pde kc late daw kmi kc nga di nla kmi hawak..lumalaban kc kmi ng patas khit di kmi nanalo atleast malinis ang contest kaso di un mngyri dito gawa ng mga buker na yan..si apol,alvin at yung isa na tga bauan daw madudumi mga yan lumaro sa larangan ng sayaw di sila patas.prangka ako kaya lgi ng galit ko kapag nkkita ko kau sa contest sa mga gngwa nyo saakin grupo porke ayaw nmin sa buker..
Reply
Leave a Reply. |
Prof.
|