Anong meron bakit ang isang kagaya ko ay nasa mundo ng mga mananayaw? Oo nakakapagsayaw ako. Kaunti. Pero di ako kasing-galing ng mga nakilala kong mananayaw. Pero bakit nga ba andito ako sa mundo ng dance community. Bakit may mga taong tulad ko na hindi naman mananayaw pero andun ang puso nila para sa pagsasayaw. Ayun. Natumbok ko na. Puso. May mga taong sadyang inilagay sa isang lugar para sa isang purpose. Dapat natin maunawaan na sa dance community ay hindi lamang isang magaling na mananayaw ang kailangan natin. Kailangan natin ng isang photographer, videographer, graphic artists, event organizer, financer at higit sa lahat ay magaling na leader. Hindi ba pwede na ang dancer ay isang magaling na leader? Maari naman. Kayang-kaya naman. At marami tayong kakilala na magaling na dancer na leader pa. Isa akong ordinaryong college professor sa isang state college sa Sampaloc, Manila. Taong 2013, nang ma-involved ako sa bagong tayong dance group ng school. Wala silang pangalan sa dance community. At first time lang yata na magkaroon ng hip hop group ang pamantasan namin. Sa pangunguna ng Director ng Culture and Arts at ng isang Student Leader ay nabuo ang grupo. Parehas silang hindi mananayaw. Hanggang sa pumasok ako sa buhay nila nuong pangatlong buwan ng grupo. Kaming tatlo na mga hindi mananayaw ay biglang nagkaroon ng pagkakataon na pamunuan ang mga mananayaw. Naging masigasig ang lahat. Nagbigay kami ng direksyon sa grupo. Dumisiplina sa mga estudyante. Nagpangaral. Nagbigay ng inspirasyon. Nag-encourage na huwag susuko. Patuloy na mag-aral. Gumawa ng mga polisiya upang mapa-angat ang grupo. Naghanap ng mga raket. Gumawa ng paraan para hindi gutumin at magkaraoon ng transportasyon kapag may mga kompetisyon. Nag-ayos ng mga papeles at requirements kapag may laban. Nakipagnegosasyon sa mga tao. Nag-organize ng tatlong dance concerts. At marami pang iba. Samakatuwid, nagkaroon ng focus ang grupo. Oo, tine-train namin ang mga offcers namin na maging leader. Hindi lang kami ang gumagawa. Pinagtatrabaho din namin sila. Pinagsasabay nila ang pagiging dancer at leader. Ngunit, mas marami silang magagawa at mas maganda ang magiging resulta kapag may mga taong may gift sa leadership at management ang gagawa nito. Sa loob ng isa't kalahating taon ay naging kampeon ang grupo sa Dance For Health 2013, U-Belt Dance 5 2014, Philippine Association of State Colleges and Universities National Dance Championship 2014 at 2nd Runner Up sa Dance 4 Life Season 3. Sa isang organisasyon o sa isang grupo ay hindi makukumpleto kung wala ang isang bahagi nito. Parang parte ng katawan. Hindi kumpleto ang katawan kung walang mata o kamay o tenga o paa. Ang bawat isa ay nagtutulung-tulungan upang mag-function maigi ito. Di maaring gawin ni kamay ang gawain ni mata. At gayundin si mata, hindi niya magagawa ang gawain ni kamay. Importante ang role ng isang leader sa isang grupo. Sila ang nagbibigay ng direksyon at vision sa grupo. Sila ang nagsasabing huwag tayo susuko. Ipagpatuloy natin ang laban. Sila ang nagsasabi na mali tinatahak natin. Sila ang nagte-ake ng risks. Sila ang sasalo kapag medyo alanganin ang grupo. Sila ang nagbibigay ng pag-asa. Sila ang gagawa ng paraan para makabangon ang grupo. Sa dance community ay maraming tao involved na hindi mananayaw. Sa akin lamang, andito ako upang magbigay inspirasyon. Marami sa mga mananayaw sa barangay ang hindi nag-aaral. Binibigyan ko sila ng inspirasyon at ipinapaala ko bilang guro na importante ang edukasyon. Ipinapaalala ko sa kanila na ituloy ang buhay kahit gaano ito kahirap. Ipinapaalala ko sa kanila na mabuting ugali ay dapat nasa puso nila. Ipinapaalala ko sa kanila na mahalin ang pamilya, ang ibang tao at lalung-lalo na ang Diyos. Maaari kang magkaroon ng impact sa buhay ng ibang tao sa paraang nanaisin mo at sa paraang gusto ng Diyos. Ang buhay ay ginawa hindi lamang para sa sarili kundi para sa iba sa ikalulugod ng nagbigay nito. Ang maalala ka ng maraming tao dahil sa mga bagay na nagawa mo sa kanila ay isang magandang bagay na maiiwan mo bago ka pa man umalis sa mundong ito. At least, you have fulfilled your purpose of what God have been called you to do. Keep loving God. Keep loving other people.
0 Comments
Leave a Reply. |
Prof.
|