Napagdaanan na natin nuong bata pa tayo na gusto natin maging superhero. Marami tayong ginagayang superhero dahil feeling natin ay meron din tayong superpowers na gaya nila. Pwede tayo maging Ironman, Batman, X-Men, Spiderman, Wonderwoman or Superman. Gaya ni Superman ay gusto natin maging kasinlakas niya at lumipad na gaya niya. May isang batang dancer ng isang jazz dance group ang sumubok na lumipad kagabi sa isang dance contest sa Tondo na gaya ni Superman. Bahagi ng routine ng mga jazz dance group na ihagis, iwasiwas, saluhin at paikut-ikutin ang mga maliliit na bata. Ang mga bata ay karaniwang menor de edad na may kapayatan at malalambot ang katawan. Sila yung mga batang iwinawasiwas ng mga 4 na kagrupo na hawak ang kanyang dalawang kamay at paa. Iwawasiwas ng malakas na pababa at pataas hanggang sa makakuha ng tyempo na mapaikot ng 360 degrees ang bata. Uulitin ito ng makalawa o makatatlong beses. Mayroon din naman na ihahagis mula sa kabilang side ng stage at iikot hanggang sa masapo ng mga kagrupo sa kabilang side ng stage. Meron namang sasabit sa kawayan at duon ay maglalambitin. Isa sa mga major highlights ng mga grupong ito ay pagtuntong ng bata sa isang mataas na bahay o gusali at sila ay tatalon mula sa ikalawang palapag nito. Una akong nakakita ng ganito sa Balic-Balic. Sobrang natakot ako at ayaw ko makita ang gagawin dahil sa delikado ang pagtalon ng bata kahit na siya ay sasapuhin ng mga kagrupo. Ngunit ibang klase ang nakita ng mga taong-bayan kagabi sa Tondo. Matapos ang mahabang presentasyon ay pumwesto na ang mga kagrupo ng bata. Siya ay nakapang-costume ng Superman. Nakita na lang namin na umaakyat ang bata mula sa stage patungo sa bahay na may tatlong palapag. Para siyang Spiderman kung umakyat ng bahay. Matapos nito ay pumwesto na sya upang tumalon sa manipis na tela na hawak-hawak ng kanyang mga kagrupo. Habang nag-aayos siya ng pwesto ay muntik-muntikan na siyang makabitiw at nagtilian ang mga tao. Parang walang makakapigil sa munti nating Superman sa kanyang paglipad mula sa ikatlong palapag. Sa pwesto niya ay maari siyang sumabit sa mga kawad ng kuryente o di kaya sa mismong backdrop ng stage o di kaya ay sa mismong semento ng backstage. Matindi ang takot at kaba ang nararamdaman ng tao dahil sa gagawin ng bata. Di na halos makapagsalita at makakibo ang lahat habang inaabangan ang stunt ng 14-anyos na bata. Hanggang sa siya ay lumipad at tumalon sa manipis na tela. Nagsigawan ang taong-bayan. Malakas ang impact ng pagkakabagsak ng bata. Sa sobrang lakas ay di kinaya ng tela ang impact at tumama din sya sa sahig. Lumampas ang ilang bahagi ng katawan niya sa hawak-hawak na tela. Hilong-hilo ang bata. Nagpalakpakan ang manunuod. Ang iba naman ay sinisilip ang nangyari sa bata. Ang mga kagrupo niya ay pilit siyang sinusuri kung ano nangyari dahil halata sa bata na siya ay nasaktan. Di siya makatayo mabuti. Tila siya ay nahihilo. Nagpalakpakan ang ilang kagrupo niya na wari nagsasabi na maayos ang kalagayan ng bata. Tumagal ang ilang minuto ay unti-unti nakakarecover ang bata. Ngunit bakas sa kanyang pagtayo ang hilo at impact ng kanyang paglipad. Nakayuko siya palagi. Hawak ang ulo at minsan ay ang kanyang likuran. Sinilip ko ang bata matapos ang performance. Kinausap ko ang leader at ang bata upang kamustahin ang kalagayan. Masakit ang likod ng bata at nahihilo. Sa aking napanuod ay nanghina ako. Sumikip ang aking dibdib at nangatog ang aking tuhod. Napaupo ako sa sidewalk. Nagdasal at kinalma muna ang sarili sa nakita. Natakot ako at kinabahan ng husto dahil sa buhay na maaaring mawala. Natakot ako at kinabahan dahil muntik na makuhanan ng magandang buhay na mayroon pa ang batang ito sa isang patimpalak na kapalit lamang ay palakpak at maliit na halaga kumpara sa napakagandang buhay na ibibigay sa kanya ng Diyos. Ano ba naman ang tatlong-libong premyo at palakpak ng madlang pipol sa isang batang maaaring maging magaling na doktor, abogado o guro. Sa akin lamang po, sa kahit anong larangan ay unahin natin ang kaligtasan ng bawat isa. Sa dance contest lalo na sa barangayan ay isipin natin ang kaligtasan ng ating mananayaw. Kapag naaksidente o namatay ang ating mga mananayaw ay para na ring pinagkait natin sa kanila ang kanilang pangarap. Ang mga mananayaw natin ay mahalaga sa mata ng Diyos at sa kaniyang mga magulang. Lubos ang pag-aalaga ng mga magulang nito upang mapalaki ng maayos. Ngunit huwag natin itong hahayaan na mabalewala sa kasiyahan ng iilang tao na makakapanuod. Ang buhay ng mananayaw ay di matutumbasan ng salapi at palakpak ng manunuod. Ang buhay ay hiram sa Diyos. Kailangan natin itong alagaan. Isauli natin ito ayon sa Kanyang kagustuhan na buo. Nauunawaan natin na gusto natin mapasaya ang mga tao o manalo ng malaki o higitan kung anuman nagawa natin ngunit di natin maaaring ipagsapalaran o isugal ang buhay sa materyal na bagay o parangal. Maaari natin ipakita ang ating kahusayan sa paraang maaalagaan ang ating sarili bilang mananayaw. Ang sayaw ay ginawa upang papurihan ang Panginoon ngunit hindi na ito magiging kapuri-puri sa Kanya kung may masasaktan o mapapahamak na buhay na galing sa Kanya. Sa mga choreographer, leader o manager ng dance groups. Paalalahanan natin ang ating sarili na ipinagkatiwala lang sa atin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Pangalagaan natin ito gaya ng pangangalaga ng mga magulang nila. Sa mga mananayaw, pahalagahan ang buhay. Pahalagahan ang talento sa paraang gusto ng Diyos para sa atin. Unahin ang kaligtasan ng sarili bago ang anupaman. Sa construction site lagi natin nakikita na naka-helmet ang mga pumapasok dito. At sa gate ng site ay lagi natin makikita ang sign na "SAFETY FIRST". Sana ay lagi natin magawa ito. Hindi tayo superhero. Wala tayong superpowers na gaya nila. Hindi tayo immortal o invincible. Tao lang tayo na may limitasyon. Gayahin lamang natin ang mga superhero na handang tumulong sa abot ng kanilang makakaya. Superhero ka kapag nakagawa ka ng mabuti sa sarili mo at sa kapwa mo.
10 Comments
"Kung hindi ka titigil sa pagsasayaw ay papatigilin kita sa pag-aaral!" Yan ang common na maririnig ng mga dancers sa magulang na ayaw pagsayawin ang anak. At ang malala pa ay "Palalayasin kita dyan kapag hindi ka tumigil sa pagsasayaw!" Awtsu Tay/Nay, ano po ba nagawa kong mali bakit ayaw nyo ako pasayawin? Di naman po ako nag-aadik. Di naman po ako bumabarkada lang. Di ko naman po pinababayaan ang pag-aaral ko. Di ko naman po kayo sinusuway sa pag-uutos nyo. Since nung humawak ako ng dance groups ay di maaaring hindi magagalit ang magulang ng bata lalo na at estudyante sila. Nung panahon na dance group sa school ang hawak ko ay ilang magulang na din ang lumapit sa akin dahil ang anak nila ay gabi na umuuwi at minsan ay hindi umuuwi ng bahay. May mga kaso naman na napabayaan ng estudyante ang kaniyang pag-aaral at pinatigil sya sa eskwelahan dahil bumagsak siya. Scholars pa naman sila. Pumunta ang mga magulang sa school at nagsumbong sa amin. Ngayon namang isang dance group sa labas ang hawak ko ay same situation ang naranasan ko. This time, ako naman ang pumunta sa mga magulang. Nung unang punta ko sa bahay ay di ako prepared. Dahil susunduin lang namin yung bata at kamukat-mukat mo ay aatackin pala ako ng dragon este ng mga Nanay. Mag-pinsan yung nanay ng mga dancers. Bakit nga ba ayaw ng magulang na pasayawin ang mga dancers? Narito ang Top 6 Magulang Problems ng Isang Dancer. 1. HINDI NILA NAUUNAWAAN BAKIT KAYO SUMASAYAW. Paki-explain please. Yan dapat ginagawa ng mga dancers kung bakit nyo ginagawa ang pagsasayaw. Bakit nga ba? Una, talento ito ng Diyos na ibinigay sa inyo na dapat ibahagi sa ibang tao. Pangalawa, passion nyo na ito. Hindi maaaring hindi gawin ang isang bagay kapag nasa sistema na ng katawan. Pangatlo, para sa pamilya, lungsod at bansa na ating kinakatawan. Nais ninyo na ipagmalaki ang inyong apelyido, bayan o eskwelahan at bansa sa mga kompetisyon na inyong sinasalihan. At panghuli, ay upang mapalayo sa bisyo at masamang barkada. Lagi kong sinasabi at biruan namin ng mga bata. Buti na lang naging dancer kayo kung hindi mga gangster kayo ngayon. Marami akong kilalang bata ang nasagip na ng pagsasayaw mula sa pagiging gangster. Ipaliwanag natin ng maayos kung bakit kahit laging natatalo ay pilit kayong sumasayaw. Wala daw naman kayo napapala? Wala nga ba? Malaking tulong kung ang inyong coach, manager, leader o adviser ang makikipag-usap sa inyong magulang. Ipaunawa natin bakit gabi na kayo nakakauwi. Nang maipaliwanag ko sa mga magulang ang mga dahilan kung bakit sumasayaw ang mga bata ay nagliwanag ang kanilang isipan. Unti-unti ay natatauhan sila. Kasi ang next factor ay ang susunod bakit ayaw nila sa sayaw. 2. NAPAPABAYAAN ANG PAG-AARAL. Ayaw kasi ng magulang mo na bumaba grades mo or at worst ay tumigil ka sa pag-aaral dahil sa pagsasayaw. Ang iba naman kasing estudyante ay mas marami pang panahon mag-training at sumali sa kompetisyon kaysa sa oras ng pag-aaral. Mga totoy at nene, kaya ka nasa eskwelahan ay para mag-aral at hindi magsayaw lang. Gawa-gawa din ng assignment. Review review din. Kapag sa classroom makinig sa teacher at hindi yung piyesa nyo o praktis ang nasa isip mo. Mas malaking bahagi ang pagiging estudyante mo kaysa sa pagiging dancer mo. At yung mga panahon siguro na breaktime o walang pasok ay ituon mo din sa pag-aaral. Dahil madalas gabi practice nyo ay tapos maaga pa ang pasok kaya ipit kayo sa schedule. May mg assignments, projects, practice, plates o thesis kayong tatapusin. Kaya ayun, sabi ni Nanay, imbes na nagsasayaw ka sa gabi ay dapat nag-aaral ka. Pero if mapapatunayan mo na kaya mo pagsabayin ang pag-aaral at pagsasayaw ay mas mabuti. Huwag naman na pasang-awa lang grades mo. Nakapasa ka nga eh puro palakol at tres naman. Malamang matuwa nga magulang mo. Inaalala lang nila kinabukasan mo. Alam nila na mas stable at mas malaki chances na maging maayos buhay mo kapag makapagtapos ka ng pag-aaral. Gusto nila maranasan mo ang mga bagay na di nila nagawa nung kabataan nila. Ang makapagtapos ng pag-aaral at umakyat sa entablado hawak ang diploma na mahigit 14 na taon mong binuno. 3. DELIKADO. Gabi kayo madalas nagpa-practice sa kalye, plaza, studio o eskwelahan. Dahil karamihan sa inyo ay menor de edad ay talagang mag-aalala sa inyo ang mga magulang ninyo. Concern lang sila sa kagwapuhan at kagandahan nyo. Ayaw nila mawalan ng isang gwapo o magandang anak. Imagine, 12-18 years old ka nila inalagaan tapos bigla kayo mapapahamak? Kaya nag-aalala lang sila sa inyo. Gusto nila safe kayo lagi pag-uuwi kayo at aalis ng bahay. Isa pang delikado sa kanila ay pag-aasawa ng maaga. Baka masyado kayong mapusok ay makapag-asawa kayo ng wala sa oras. Iniintindi lang nila kayo. Sa mga magulang naman po ay ginagawa naman po ng lahat ng paraan para maingatan ang mga bata. Madalas sabay-sabay sila umuuwi. At may mga tanod o security naman sa lugar na nangangalaga. Mababait naman sila sa kalye habang naglalakad o bumabyahe. Higit sa lahat, gabi-gabi po ay nanalangin ang mga bata bago umuwi ng bahay upang protektahan sila ng Diyos. 4. MAGASTOS. Wala na nga silang pambayad sa tuition o pambaon nyo ay idadagdag pa ang pang-costume o baon kapag ko-contest. Alam natin mahirap ang buhay kaya dapat magtipid. Di madaling kitain ang pera lalo na madami kayong pinapakain at pinapa-aral. Ayaw lang ng magulang na mabawasan ang budget nila na nakalaan para sa basic needs ng pamilya. Kaya ang mga dancer ay dapat matutong mag-ipon. Imbes na pambili ng yosi o ipang-date sa mga bf/gf nyo na lolokohin lang kayo ay ipunin nyo na lang sa pagsasayaw. If kayo nyo magtipid para pang-costume at pamasahe ay gawin ninyo. If kaya nyo mag-solicit o maghanap ng sponsors ay gawin ninyo. Para di na tayo makadagdag sa problema sa bahay. 5. ABUSADO. Ibang bata kasi ay nagsisinungaling sa magulang. Na kesyo nasa parctice yun pala ay nakipag-barkada lang o nagbisyo o nasa bf/gf lang. Yung iba naman ay puro sayaw na wala nang aral. Yung iba naman ay porket pinagbibigyan nang sumayaw ay inaabuso pa ang pagpapahintulot sa kanya. Yung iba naman ay di na umuuwi ng bahay puro sayaw na lang. Yung iba naman ay di gumagawa ng gawaing bahay kaya di pinagsasayaw. Sabi nga ni Apostle Paul: "Everything is permissible but not everything is beneficial." Lahat naman ay pwede pero hindi lahat ay makakatulong sayo. Huwag sumobra. Balansehin lahat. Pag-aaral. Gawaing bahay. Barkada. Pagsasayaw. Panahon sa Diyos. Mabait ang Diyos sayo. Bigyan mo Siya kahit isang beses sa isang linggo sa simbahan. Gayundin, panahon para kausapin sya araw-araw o gabi-gabi. Balansehin natin ang buhay dahil di tayo pwede mag-focus sa isang bagay lang. Di lang sayaw ang buhay natin. Andyan pa ang pamilya, kaibigan at Diyos natin. 6. WALANG COMMUNICATION. Lalabas ng bahay. Di magpapaalam. Uuwi ng late. Di magpapaalam. Aabsent sa school. Di magpapaalam. Babagsak na sa grades. Hindi ipapaalam. May contests na sasalihan. Hindi magpapaalam. For security at bilang respeto sa magulang ay dapat bilang anak ay ipinapaalam natin kung ano nangyayari at saan tayo nagpupunta. Hindi kayo pusa na bahala na kung saan kayo mapadpad. Nag-aalala sila sa inyo. Itext o ichat sa FB kung asan kayo. If wala si Dad and Mom ay kina Kuya/ Ate magpaalam. Walang load? Makitext o makitawag. Maraming paraan para makipag-communicate ngayon. Andyan pa ang FB. Kaya walang dahilan para di nyo mainform magulang nyo. Ilan lamang yan sa mga dahilan bakit di ipinagsasayaw ng mga magulang. May iba pang factors gaya ng may sakit sa pamilya, walang magbabantay ng negosyo o sa kapatid, kailangan mo nang magtrabaho at iba pa. Kung anuman ang dahilan ng magulang ay alam natin ay para sa inyo yun. Ngunit kung sasabihin natin na kaya pagsabayin ang pagsasayaw at ang mga gusto nila at kaya ninyo panindigan iyon ay sigurado ako na walang dahilan na hindi kayo susuportahan sa gusto nyo. Kasi nais din ng magulang na makita nila ang anak nila na masaya at may achievements sa buhay. May isang babaeng dancer sa Sampaloc na ayaw na ayaw siyang pagsayawin. Pero nung malaman na sasayaw siya kasama ng grupo niya sa barangay ay mismong mga kamag-anak pa niya ang nanguna at may bitbit pang kanya-kanyang cellphone para videohan performance nya. Yung ibang magulang naman ay bibili pa mg ticket sa dance concert ng anak para mapanuod sila. Yung ibang magulang naman ay kahit anong gawing pagsaway sa anak ay wala sila magawa kapag di mapigilan ang anak sa pagpapraktis. Sila pa naglalaba ng maruming damit at costume. Yung ibang magulang ay di matiis ang anak dahil sobrang mahal nila ito. Ganyan ang magulang, sa umpisa ayaw dahil di nila alam ang dahilan bakit ka ganyan. Ngunit, once na makita nila ang pagbabago sayo at kaya mo lahat ng pinagagawa sayo ay sila pa ang magiging Number One fan mo. Tandaan natin ang isa sa sampung utos ng Diyos. "Honor your father and your mother, that your days may be long in the land that the LORD your God is giving you. - Exodus 20:12 Ipanalangin natin ang mga magulang na hanggang ngayon ay di pa din kayo maunawaan. Dahil Diyos lamang ang makapagpapabago sa puso nila. Ikaw, ano ang kwento mo? Ibahagi ito sa amin. Photo credit to:http://www.thetimes.co.uk/tto/science/article3859730.ece
|
Prof.
|